Ang trabaho, parang relasyon

“This has been my longest relationship. It’s gonna hurt more than my previous breakups did,” sabi ko sa mga boss ko sa huling meeting ko kasama sila.

“You’re breaking up with us. I hope it’s you, not us.” Sagot naman nung isang boss ko.

Pagkatapos nun, nagkuwentuhan na ang buong team tungkol sa mga paborito nilang memories kasama ako. Nabanggit yung mga inuman noon, yung mga pagtambay sa coffee shop nung minsang tinakasan namin yung fire drill sa building, yung mga kuwentuhan, at pati na rin yung mga di work-related na moments kasama ang ilang katrabaho. Siyempre, nagpaabot din sila ng goodbye messages.

Sa puntong iyon, di ko na talaga napigilang maluha. Pero siyempre, di ko ipinahalata sa boses ko. Kunwari strong and confident pa rin. Nagbiro-biro pa ako. Excited ako sa bago kong trabaho, kaya di dapat malungkot.

Pero, malungkot pa rin talaga.

And weird, di ba? Alam ko nga kasing trabaho lang ito, hindi dapat masyadong dinaramdam. Pero kasi, hindi rin naman din biro ang mahigit limang taon–lalo pa at sa loob ng mahigit limang taon na iyon, ang daming nangyari sa akin. At sa kabila ng lahat ng pagbabago sa buhay at sa sarili, nanatiling constant ang trabaho ko.

Sa mga oras na hindi ko na alam kung anong aasahan, sa mga panahong lahat ay malabo, yung trabaho lang tanging sigurado sa buhay ko. Kumbaga, magkalabu-labo man ang mundo, may semblance of normalcy pa rin dahil tuluy-tuloy lang ang mga shift.

At siyempre, marami-rami rin talaga akong naipong alaala na nakakabit sa trabahong ito. Isa na siguro sa mga pinakapaborito ko ay iyong patuloy kong pagtatrabaho habang ngumangalngal ako noon dahil nag-break kami nung taong ka-relasyon ko sa loob ng mahigit apat na taon.

May mga masasayang alaala din naman siyempre, lalo na iyong mga panahong dinadala ko ang trabaho sa kung saan-saan dahil remote work at puwede basta may access sa internet. Kaya nga, naging tambayan ko ang mga coffee shop at coworking space.

At oo, nadala ko na rin sa inuman ang trabaho ko! Buti na lang at understanding ang friends ko, hindi sila nagagalit na may laptop akong kaharap habang nag-iinuman kami. Siyempre, hindi rin ako nagpapakalasing hagga’t hindi pa tapos ang shift. Mahalaga sa akin ang kalidad ng trabaho ko, kaya may disiplina ako kahit may alak pang kaharap.

Ngayon, halo-halong emosyon talaga ang mayroon ako sa paglipat ko ng kumpanya. Bagama’t excited sa bagong mga gawain, hindi ko pa rin maiwasang malungkot dahil alam kong mami-miss ko talaga itong nakasanayan kong gawin sa loob ng higit limang taon.

Hay. Ang pag-alis sa trabaho, para lang talagang pagsuong sa breakup. Kahit anong sabi mo sa sarili na you are letting go and moving on for the better, may kirot at may kirot ka pa ring mararamdaman. Kung sa bagay, maging ang pagpasok mismo sa isang trabaho ay parang pagpasok lang din sa relasyon.


Featured image mula sa Canva

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s