Bagsik ng sikmura

Nararamdaman ko na ang bagsik niyang mukhang galit na galit na siya sa akin kaya walang humpay sa pagbuga ng nakapapasong asido.

Hindi ko naman siya masisi, lalo na’t ilang taon ko rin siyang inabuso: Sa mga umagang kape ang pambungad ko sa sikmura’t ni walang kahit anong pagkaing kasabay o kasunod, mga tanghaling imbes mananghalia’y pagkakape pa rin ang inuna ko, mga gabing pinalipas nang walang ibang ipinanlaman sa tiyan kundi mainit na kape, mga meriendang isinakripisyo sa ngalan ng paglaklak ng pinakapaborito kong inumin.


Apat na taong gulang ako noong unang nakatikim ng kape. Naubusan kami Milo isang umaga. Dahil alam ng lola kong hindi ako umiinom ng gatas, tinimplahan niya na lang ako ng kape. Halos gakurot lang ang kape ang kasama sa timpla niya noon. Mas lutang ang lasa ng creamer at tamis ng asukal. Pero, ayos lang iyon sa akin. Ang mahalaga, nalasahan ko ang kape at sarap na sarap ako rito.

Ilang beses pang naulit ang ganoong pangyayari, hanggang sa normal na lang sa bahay ang pagpapainom sa akin ng kape lalo kung umaga. Di rin nagtagal ay pinayagan na rin akong magtimpla ng sarili kong kape kahit di na agahan. Doon nagsimula ang aking adiksyon. Ang minsanan sa ilang araw, napadalas nang napadalas, hanggang sa hindi na ako makawala. Naging bisyo ko na ito at nadala pa hanggang sa puder ng aking ina.

Noong high school, kape ang madalas na suhol sa akin ng mga guro sa tuwing may utos sila sa akin. At imbes sa canteen maglagi kapag recess, mas madalas ako sa faculty room para bumili ng kapeng tinitinda roon para sa mga guro. Naging gawi ko ring magkape sa karinderya kung saan kami madalas tumambay kapag lunch break. Kahit kapag nasa ibang paaralan para sa mga patimpalak, madalas akong maghanap ng kape.

Natuloy ang kabaliwan ko hanggang kolehiyo. Sa Baguio, kung saan ko iginugol ang unang taon ng buhay-kolehiyo, ginawa kong tubig ang kape lalo na’t laging malamig. Dito rin ako natutong pumunta sa coffee shop, lalo na’t maluwag kami sa pera noon at laging may sobra sa aking baon.

Paglipat ko naman sa Diliman, kape ang sumalba sa akin sa mga panahong gipit ako. May matindi kaming problema noon sa pinansiya at kadalasang kulang ang dalang baon papasasok sa eskuwela. Pero buti na lang, ilang piso lang ay sapat na para makabili ako ng kapeng puwedeng inumin at pagkunan ng enerhiya. Madalas, ito rin ang karamay ko sa mga gabi ng pagpupuyat, lalo na kung may tinatapos na mga babasahin at papel para sa mga major subject.


Maaga akong nagsimulang magtrabaho. Mahirap, pero ayos lang dahil nagkaroon ako ng sariling pera. Ibig sabihin, may pantustos na sa bisyong kape. Dahil dito, medyo nag-upgrade na ang taste ko. Hindi na lang 3-in-1 ang madalas tirahin kundi pati na rin brewed coffee, lalo na iyong mga binebenta sa McDonald’s at 7-Eleven. Mas mahal sila nang kaunti sa 3-in-1, pero mas malakas ang sipa.

Tuluyan nang lumala ang pag-abuso ko sa sikmura ko noong magtapos ako sa unibersidad at magsimulang magtrabaho sa Ayala. Dahil mas malaki na ang kita, itinuloy ko na ang kahibangan ko sa mga coffee shop. Dito ako unang naging suki ng Starbucks at Seattle’s Best. Ang masama pa, mas dumalas din ang pag-inom ko sa panahong iyon. Halos gabi-gabi akong lasing. At ang paborito naming gawin ng mga kaibigan habang nagpapalipas ng tama ay pagkakape. Gayunpaman, wala akong naramdaman kahit anong kakaiba noon sa sikmura ko, maliban na lang sa mga gabing napasobra talaga ng inom.

Taong 2014 noong una kong napansin ang pangangasim ng sikmura. Nagtatrabaho ako noon bilang isang content producer para sa isang wedding website. Napakaluwag sa opisina namin lalo na’t maliit lang ang team namin kaya mas malaya akong gawin ang mga gusto ko basta’t natatapos ang trabaho sa araw-araw. Dahil makapal ang mukha ko, minabuti kong magdala ng sarili kong coffee maker sa opisina. Mas tipid nga, pero mas makasalanan naman sa katawan. Minaya’t maya ko ang gawa ng kape. Ang masama pa, madalas ko pang sabayan ang black coffee ng yosi. Kahit kapag may event kami sa ibang lugar, kape lang lagi ang hanap ko. Madalas akong tumakas sa hotel kapag gabi para magkape. Madalas din, ang lunch at dinner break ko’y nauubos lang sa pagpunta sa coffee shops. Dibale nang hindi kumain, basta may kape. At yosi.

Sarap na sarap ako sa kombinasyong iyon, kaya wala ako masyadong pakialam kahit pa madalas na akong makaranas ng pangangasim. At imbes magpatingin sa doktor, madalas ay lumalaklak lang din ako ng Gaviscon para guminhawa ang pakiramdam.

Noong napadpad ako sa Technohub pagkalipas ng ilang buwan, mas napariwara pa ako nang husto. Doon kasi, 24 hours ang Starbucks at Coffeebean kapag weekdays. Kahit sa anong schedule ako malagay, tiyak na may coffee shop pa ring matatakbuhan. Sakto pa, marami ako laging kasama. Copywriter ang trabaho ko noon at di nakapagtataka, malalakas din magkape ang marami sa mga kasama ko sa team.

Dito na mas tumindi ang pangangasim ng sikmura ko. At di lang basta maasim, kundi mahapdi na rin nang sobra. May mga pagkakataon pa ngang nasusuka at nahihilo na lang ako sa tindi ng sakit. Nagpatingin ako sa doktor minsan, at niresetahan niya ako ng gamot. Ang kaso, hindi ko naubos ang gamot at patuloy pa rin ako sa pagkakape at paninigarilyo. Madalas din, mamantikang mga putahe ang kinakain ko noon. Hindi ko pa rin iniiwasan ang pag-iinom, lalo na kung kasama ang mga kaibigan.

Makalipas ang isang taon, pumunta ulit ako sa clinic para magpatingin. Niresetahan naman ulit ako ng gamot at naubos ko sila, pero walang pagbabago sa lifestyle ko. At nang lumipat ako ng trabaho, parang mas lumala pa ang lahat. Sa bagong trabaho (na siya pa ring full-time job ko ngayon), work-from-home parati, maliban na lang kung may meeting sa labas. Paiba-iba rin ang oras ng trabaho. Sa madaling sabi, mas madaling guluhin ang oras ng kain. Hindi gaya sa normal na office job na may nakatakdang lunch break kaya nasa oras pa rin ang kain.

Ilang buwan pa lang sa bagong trabaho, ramdam ko nang mas tumitindi ang nararamdaman ko sa sikmura. Mas dumadalas na rin siya. Nagpunta naman ako sa doktor, pero hindi ko ulit masyadong naseryoso. Ininom ko lang ang mga gamot na nireseta sa akin at umiwas sa kape sa loob ng dalawang linggo. Pero, pagkatapos noon, tuloy ang ligaya! Laklak ulit ng kape kung kailang maisipan at lamon ng mamamantikang pagkain. Pati pagyoyosi at pag-inom ng alak, hindi ko pa rin tinantanan.

Sa ikatlong taon ko ng pagtatrabaho sa proyektong ito, lumipat ako malapit sa Maginhawa, kung saan mas lumala pa ang aking kondisyon. Paano ba naman, napaliligiran ako ng napakaraming kainan, kapehan, at inuman? Isa pa, kuwarto lang ang aking nirerentahan kaya bawal magluto. Naging kusina ko tuloy ang buong Maginhawa.

Halos araw-araw, nasa coffee shop lang ako. At, kapag gabi, madalas akong mayaya ng mga kaibigan na kumain sa kung saan mang kainan doon. Madalas ding mauwi sa inuman ang aming pagkikita. At, siyempre, may yosi pa rin sa eksena. Kung iisipin, parang ang sarap ng buhay ko noon. Masarap at masaya nga naman talaga! Ang hindi lang natutuwa ay ang sikmura ko. Hindi pa naman ako nagpapatingin ulit sa doktor at sige lang ang inom ng Gaviscon.


Natauhan lang ako nitong Hunyo. Naisipan kong pagpakonsulta sa doktor dahil sa paulit-ulit na problema sa sikmura at doon ako napagsabihan na kailangan ko na talagang ayusin ang pamumuhay ko dahil delikado ang ginagawa ko. Noong una, hindi ko pa masyadong ramdam ang tindi ng sitwasyon dahil mukhang nadadaan naman sa gamot ang hapdi. Kaya nga lang, biglang nakaranas na ako ng bleeding. Matapos ang ilang pagsusuri, nakumpirma na may ulcer na ako.

Sa wakas, sumagi na sa isip ko kung gaano ko inabuso ang sarili kong sikmura noong mga nagdaang taon. Kaya nga lang, matigas pa rin talaga ang ulo ko. Naiwasan ko man ang kape, alak, at yosi, hindi ko pa rin kaagad nabago ang diet ko. Mali pa rin.

Di tuloy nakapagtataka na kahit noong natapos ko na ang unang set ng medikasyon, nakararanas pa rin ako ng paghapdi ng sikmura, lalo na kung mamantika ang kinakain. Noong binalikan ko ang doktor ko, ang sabi niya’y bibigyan niya ulit ako ng mga gamot. Isang round ulit. At hindi lang iyon; kailangan ko na ring iwasan ang lahat ng mga bawal. Dahil kung magpapatuloy pa rin ang sakit, kakailanganin ko nang dumulog sa isang espesyalista at sasalilalim na rin ako sa endoscopy.

Pucha! Seryoso na nga ito. Nakatatakot na nga.

Kaya ngayon, heto ako’t sinusubukang pakalmahin ang sikmura. Ramdan ko pa rin ang bagsik, lalo na ang pagguhit ng asidong ibinubuga niya. Pero, sana, mawala na rin ang sakit. Sana, kumalma na siya. Heto na, kakain na ako nang maayos at patuloy na iiwas sa mga bawal, kung iyon lang ang tunay na ikatatahimik at ikaaamo niya. Alam ko, matagal akong nagkamali. Pero sana’y hindi pa huli ang lahat.


Banner photo mula sa Canva

6 Comments

  1. Hindi sa nananakot pero don’t underestimate ang ulcer. My dad has him. Years ago he collapsed at work with blood coming out of him. His ulcer has been bleeding bad na pala kasi talaga. He was hospitalized, endoscopy and colonoscopy confirmed that he has ulcer in his stomach and intestines.

    He’s not much of a coffee drinker but he’s a smoker and likes to drink alcohol. Kaya ayun. It has been years already pero I still see him wincing and massaging his stomach from pain whenever he drinks kahit beer lang.

    Kaya naman please follow your doctor’s advise. Let your ulcers heal. When they healed, you can still enjoy a cuppa or two, hindi lang talaga na yung nagpapakasawa hahahaha. 😄😄😄

    Liked by 1 person

    1. Hi Gerry!

      Oh no, grabe yung nangyari sa dad mo! I hope he’s okay and enjoying life kahit maraming bawal. Huhu. I agree, di nga talaga dapat i-underestimate. Since I experienced gastrointestinal bleeding, sineryoso ko na rin talaga. Kaya ngayon sobrang ingat na. Actually, kahit mag-heal na yung ulcers ko, mag-iingat pa rin talaga ako. Bukod sa masakit, mahal din yung mga gamot!

      Ingat. 🙂

      Like

      1. Oo nga eh. Sobrang natakot kaming lahat nun. Thank God talaga okay naman siya. Ilang taon na yun pero inaatake pa rin talaga siya lalo na pag nakakainom at napaparami kaya lagi siyang may gamot on the ready just in case. Sobrang tigas din kasi ng ulo, can’t give up the alcohol and cigarette kaya hanggang ngayon napepeste pa rin siya ng sakit. 😄

        Like

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s