Have yourself a merry little Christmas

Bukod sa pagbuo ng Christmas tree, paborito ko ring aktibidad ang pagbaklas nito noong bata pa ako. Ritwal din kasi ito kung ituring sa bahay namin, kaya hindi lang basta-basta.

Dapat, maingat din habang iniisa-isang alisin ang mga palamuti, sanga, at kumpol ng dahon na maya-maya’y ilulubog naman sa isang palangganang may tubig at detergent powder para malinis bago muling itago. Kapag tapos na ang lahat, saka kami magsasaya at magpapalakpakan.

“Yehey, January na! Ilang buwan na lang Pasko na ulit!”

Si Uncle Leo ang pasimuno nito, siyempre. Siya ang resident kolokoy sa pamilya at paboritong kakulitan naming magpipinsan. Siya rin ang aming Santa Claus. (Pero siyempre, hindi pa namin alam iyon noon. Magaling siyang magplano at magtago, kaya paniwalang-paniwala kami dati na talagang dumaraan si Santa sa bahay namin sa Baclaran sa bisperas ng Pasko para maghatid ng mga regalo.)

Paborito ni Uncle ang Pasko. Bukod sa countdown niyang nagsisimula sa Enero, siya rin ang unang-unang nagpapatugtog ng Christmas songs sa street namin noon. Minsan nga, kasisimula pa lang ng buwan ng Agosto, sige na ang patugtog niya ng “Christmas in Our Hearts” ni Jose Mari Chan. Ito raw kasi ang huling buwan bago ang “Ber” season na, sa tingin niya, ay pormal na simula ng Pasko. Sakto, kasi supportive naman din ang buong pamilya sa trip niyang ito.

Di nakapagtataka, maaga rin kaming mag-set-up ng Christmas tree. Minsan, Oktubre pa lang ay kumukuti-kutitap na ang Christmas lights sa na nakapulupot sa mumunti naming Christmas tree sa bahay. At para kumpleto ang gayak, may fake Christmas gifts din siyang nilalagay sa ilalim ng puno. Para raw hindi malungkot tingnan. Okey lang daw na fake muna habang wala pa ang mga totoong regalo.

Ngayon, kahit hindi na ako naniniwala sa relihiyon, hindi ko pa rin maiwasang masabik sa tuwing darating ang “Ber” season. Alam ko, epekto ito ng paglaki ko sa isang pamilyang mahilig sa Pasko.

Hindi man ako mahilig sa Christmas tree, namana ko naman ang hilig ni Uncle sa Christmas songs. Maaga rin ako kung magsimulang magpatugtog nito. Sa katunayan, may mga pagkakataon pa ngang nakikinig ako ng mga paborito kong awiting Pamasko kahit hindi pa “Ber” months, lalo na iyong “Have Yourself a Merry Little Christmas”.

At ngayong “Ber” season na naman, hindi ko maiwasang ma-excite, kahit may pandemya pa’t walang kasiguruhan kung anong mukha ng Pasko ang mararanasan ng mga tao. Pero, siguro, hindi na rin naman masama. Kasi, sa totoo lang, hindi naman ako basta lang natutuwa sa mga materyal na bagay na kaugnay ng selebrasyong ito. Ang totoo, mas nasasabik ako dahil sa mga alaalang ibinabalik nito sa akin.

Dahil kasi sa mga masasayang Pasko noong ipinagdiwang namin noon, kahit paano’y nabawasan ang drama sa kabataan ko. Oo nga’t wala madalas sa tabi ko ang nanay at tatay ko, pero naroon naman ang ibang kapamilya na masaya ring kasama. Sina Nanay, Lolo, Mama Ima, Auntie Sherly, at lalo na si Uncle Leo. Masaya rin dahil kasama ko ang mga pinsan ko na para ko na ring mga kapatid. Sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, maganda ang tingin ko sa okasyong ito.

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s