Ang kuwentong Chocolate Kiss ko

Isang araw, sumulpot na lang sa pinto ng classroom namin sa Eng30 ang representative ng isang kilalang photocopying place sa campus para ibalita sa prof namin na nahanap na nila sa wakas iyong mga librong pinagkunan ng readings ni Ma’am noong nakaraang semestre. Na-misplace lang daw nila ang mga iyon sa dami ng mga gamit sa shop nila. Bukod sa humingi siya ng paumanhin, binigyan niya rin ng cake si Ma’am. Peace offering daw.

Yun lang, wala naman daw kakain ng cake na iyon sa bahay ng prof namin dahil hindi naman daw sila mahihilig sa matatamis. Kaya, sabi niya, kami na lang ang kumain ng cake. Nagulat kami, pero game lang. Sino ba namang tatanggi sa libreng pagkain?

Para makain namin ang cake, tumakbo yung isang kaklase namin sa CASAA para bumili ng paper plates and plastic forks. Nagtagumpay naman siya sa misyon, kaya lahat kami’y masayang nakakain ng cake. Parang may party lang sa klase.

Yun ang kauna-unahan kong tikim sa cake ng The Chocolate Kiss Cafe.


Kapag sinabi noong ChoKiss, sosyal yun. Madalas, mga rich kid lang ang may kakayanang tumambay doon. Yung iba naman, makatapak man, grabeng tipid pa rin. Base sa kuwento ng mga kaibigan ko, minsan daw ay naghahati pa sila sa ilang putahe para hindi masyadong mabigat sa bulsa.

Ang iba naman, umaasa lang sa panlilibre ng iba para makakain dito. Parang tulad ko na hindi pa makakatambay sa ChoKiss kung hindi ko sinamahan ang kaibigan ko sa interview niya sa subject niya sa isang feature para sa journ class.

Sa baon ko nga namang isandaang piso kada araw na halos sakto lang sa pamasahe at mumurahing makukutkot tulad ng lumpiang gulay at turon, paano ko nga naman kakayanin ang presyo ng pagkain sa ChoKiss?


Sa isang session namin sa UST National Writer’s Workshop, napag-usapan ang tungkol sa obesession at kung paano ito nag-uugat sa deprivation. Sa gitna ng usapan, di ko maiwasang banggitin ang tungkol sa walang-kamatayang pagkagusto ko sa ChoKiss na lalong pinalalim ng kawalan ko ng kakayanan na kumain dito noon.

Dati, madalas akong mag-crave sa mga pagkain nila. Kaya nga lang, wala akong perang pambili. Kaya naman, noong magkaroon akong trabaho at regular na kita, sinimulan kong balik-balikan ang ChoKiss. Pati mga kapatid kong parehong mga iska rin, idinamay ko na rin. Madalas, kapag binibisita ko sila sa campus, dinadala o kinikita ko sila sa rito.

Sa sobrang loyal ko sa ChoKiss, tinangkilik ko rin ang branch nito sa UP Town Center noon. Madalas, kapag nagagawi ako sa mall na iyon, sa ChoKiss ko pinipiling tumambay kaysa makipagsiksikan sa ibang coffee shops doon. Sa katunayan, doon din kami nag-celebrate ng pamilya ko noong magtapos sa kolehiyo ang pangalawa kong kapatid.


Hindi ko na maalala ang pinakahuling punta ko sa ChoKiss. Basta, ang alam ko, nakatira pa ako noon sa Quezon City at madalas na pakalat-kalat sa UP Diliman.

Sayang na wala manlang akong ideyang iyon na ang magiging huling kain ko roon. Ni hindi ko manlang nanamnam ang order ko, mapa-beef stroganoff, salisbury steak, carbonara, o mushroom aglio olio man iyon. Hindi ko rin nasulit ang bawat patak ng house blend coffee na ipinares ko sa pagkain ko. Walang ritual ng pamamaalam.

Pero ayos na lang din siguro iyon dahil kahit paano, walang anumang bahid ng kalungkutan ang huling bisita ko roon. Parang normal lang ang lahat. Parang walang kahit anong pagbabadya ng katapusan. Hanggang sa dulo, ramdam ko na mayroon at mayroon pa ring ChoKiss na babalik-balikan.


Banner photo mula sa thechocolatekiss.com

Published by

Mina Deocareza

Writer from the Philippines

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s