Corned beef confessions

corned beef

Amoy na amoy ko na naman dito ang ulam ng kapitbahay. Sigurado ako, corned beef naman ang ginigisa nila.

Habang nilalanghap ko ang amoy nito, hindi ko mapigilan ang aking imahinasyon. Ayan, kinukutsara na ang corned beef at saka itinataktak sa kawali kung saan nag-aantay ang pitpit nang bawang at hiwa-hiwang sibuyas na nakiki-kisay sa kumukulong mantika.

Shhhhhh!

Sa pagbagsak ng tumpok ng corned beef, mas tumindi ang sayawan sa kawali.

Shhhhhh!

Sa pagsali ng sandok sa indakan, sige rin ang pag-angat ng amoy ng nilulutong ulam.

Shhhhhh!

Nakakainggit naman! Parang gusto kong ganun na lang din ulit ang ulam!


Bakit kamo baliw na baliw ako sa corned beef?

Simple lang: Ginto ang corned beef sa bahay namin noong bata pa ako.

Dahil limitado lang ang budget namin sa pamilya, kadalasang itlog, tuyo, instant noodles, at delata lang ang ulam namin noon. At, pag sinabing delata, mga tipong di lalagpas sa bente pesos.

Kaya naman, madalas kaming manalig noon sa kapangyarihan ng sardinas. Isa itong miracle food; isang lata lang, kaya nang pakainin ang buong pamilya naming may limang miyembro!

Madalas din kaming kumain ng meat loaf, na noo’y wala pang P15 ang isang lata. Dahil madaling lutuin at hindi malansa, pwedeng-pwedeng pambaon sa eskwela. Ang isang lata, kaya na ring pakainin ang buong pamilya. Hahatiin lang namin ito nang maninipis, para everybody happy!

Pero syempre, iba pa rin ang linamnam ng corned beef. Mas mahal ito nang di hamak sa sardinas at meat loaf. Madalas, umaabot sa P21 ang isang lata ng Argentina sa suking tindahan.

Kaya simula noong bumukod ako at magkaroon ng sariling trabaho, siniguro kong mayroon ako laging access sa corned beef. Sinimulan ko ring sumubok ng iba’t ibang mga brand–kasama na iyong mga mamahalin.

Syempre, tinupad ko rin yung isa sa mga pangarap ko noon: Ang solohin ang isang lata ng corned beef!


Mayroon akong malungkot na alaala sa corned beef.

Noong grade 5 ako, may isang umaga na lang na nakagisnan kong umiiyak si Mama. Nagtaka ako, kasi dapat masaya siya dahil nakatakdang mag-intrega ng sweldo si Papa (stepfather ko) sa kanya.

Napansin niya yatang nagtataka ako, kaya nagpaliwanag siya agad.

“Nanakawan si Papa niyo,” sabi niya.

Nakatulog daw si Papa sa bus, at may lumaslas ng bulsa niya. Natangay ang buong wallet niya, kasama ang buong sweldo niya sa kinsenas na iyon. Ipinakita pa sa akin iyong pantalon ni Papa na may laslas. Nadurog ang puso ko. Natakot din ako, kasi wala kaming panggastos sa loob ng dalawang linggo. Maliit na nga ang kita ni Papa bilang sekyu, nabiktima pa ng kawatan.

Wala kaming pagkain sa umagang iyon. Petsa de peligro na rin naman, bago pa man ang nakatakdang araw ng sweldo. At dahil sa di inaasahang nangyari sa padre de pamilya, lalong walang aasahan. Pero buti na lang, nakatakda rin akong dumalaw sa bahay ng kaklase kong kapitbahay din namin.

Pagdating ko sa bahay ng kaklase ko, inalok niya agad akong kumain. Lagi raw kasing nagluluto ng almusal ang nanay niya, at saktong may natirang pagkain. Pag-angat ko ng takip sa mesa, nakita kong corned beef ang ulam. Wow, paborito ko!

Yun nga lang, dahil sa lungkot at takot ko sa araw na iyon, halos di ko pa rin malunok ang corned beef na kinakain ko. Kahit pa masarap ito. Pero syempre, laking pasalamat ko pa rin sa grasya. Sa katunayan, hanggang ngayon, tinatanaw ko pa ring malaking utang na loob sa kaibigan kong iyon ang pagpapakain niya sa akin sa umagang iyon.


Isa sa mga pinakamasasaya kong alaala na may kinalaman sa corned beef ay yung pagluluto namin nito sa prod house kung saan ako noon rumaraket bilang writer.

Madalas akong matulog noon sa studio, lalo kung may recording na inaabot hanggang madaling araw. Doon na rin ako kumakain, kasama ng iba pang staff.

Minsan, para mas masulit ang food budget, nagluluto kami ng mga kasamahan ko sa trabaho. Mayroon kasing induction cooker doon na pwedeng-pwedeng gamitin. Isa sa mga paborito naming lutuin ay corned beef. Ang brand? Highlands. Effective yatang endorser si Phil Younghusband.

Miracle Corned Beef

Mga sangkap

  • 1 lata ng corned beef
  • 1/2 ulo ng repolyo
  • Bawang (Depende sa trip mo)
  • 1/2 litro ng tubig
  • Asin
  • Paminta
  • Mantika

Mga hakbang

  • Balatan at hiwain ang bawang at sibuyas.
  • Hiwain din ang repolyo. Siguraduhing maninipis ang hiwa nito, parang pang-pansit.
  • Magpainit ng mantika sa lutuan.
  • Kapag sapat na ang init, simulang gisahin ang bawang.
  • Kung golden brown na ang kulay ng bawang, isama na rin sa paggisa ang sibuyas.
  • Kapag matingkad na rin ang kulay ng sibuyas, isunod na ang corned beef. Gisahin ito nang maayos.
  • Ibuhos ang tubig sa lutuan, haluin, at timplahan gamit ang asin at paminta. Depende talaga to sa trip mo.
  • Kapag pasado na sa panlasa ang niluluto, takpan muna ito at antaying kumulo.
  • Pagkulo nito, saka idagdag ang repolyo. Hintayin itong maluto; yung saktong luto lang, para hindi nakakaumay kainin.
  • Patayin ang kalan at ihain na ang pagkain. Enjoy!

Ang maganda sa ulam na ito, kaya nitong magpakain ng maraming tao. Miracle food talaga! Sakto rin itong pamares sa gabundok na kanin, kaya siguradong pasok na pasok sa panlasa ng mga panatiko ng extra rice.


Hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang debosyon ko sa corned beef. Kahit ano pang sabihin ni Senyora Santibanez tungkol sa mga hampaslupa kunong mahihilig dito, wala akong pakialam. Gaya nga ng sabi ko sa kapatid ko minsan, ako’y #HampaslupaForCornedBeef.

Lagi pa rin itong nasa grocery list ko. Pero gaya nga nang nabanggit kanina, mas mahal nang brand ang binibili ko ngayon. Sakto, mayroon akong isang brand na sobrang kinababaliwan: Palm. Simula noong ipatikim sa akin yun ng jowa ko, hindi ko na tinantanan. Sa tingin ko, hindi basta-bastang mawawala ang pagkahumaling ko sa corned beef na ito.

At dahil sa naaamoy kong ulam ng kapitbahay ngayon, parang alam ko na kung ano ang ulam namin mamaya. Ha! Hulaan mo.

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s