Kita kong may mali sa ‘Kita Kita’

Ang ganda sana ng Kita Kita.

Bukod sa maganda yung mga lokasyong ipinakita sa pelikula, nagustuhan ko rin ang ilan sa mga linyang binitawan ng mga tauhan dito. At siyempre, ‘di maitatangging cute din ang ilang mga eksena, lalo na iyong mga lambingan at kulitan nina Tonyo at Lea.

Naiyak din ako sa panonood nito. Biruin mo ba naman, biglang namatay si Tonyo kung kailan nakakikita nang muli si Lea. Malungkot naman talaga ‘yun, kahit sino pa siguro yung naroon sa ganoong sitwasyon.

Iyon nga lang, hindi sapat ang lahat ng mga ito para basta-basta ko na lang palagpasin ang isang bagay na pakiramdam ko ay isang pagkakamali ng obrang ito: Stalker si Tonyo at hindi ito okay.


Hindi raw kailangan ng kaibigan ni Lea, kaya huwag na siyang guluhin pero hindi pa rin siya tumigil.

Sus! Pamilyar na pamilyar yung linya ni kuya. Parang yung script lang ng mga loko-lokong nangungulit na gustong makipag-textmate o makipagkaibigan kuno sa akin, lalo na noong teenager pa ako. Yung tipong nanghuhula ng numerong tatawagan at kapag nabosesan nilang babae yung nasa kabilang linya, kukulitin nila. Tapos, babanatan kang kesyo masungit kapag ayaw makipag-usap.

Hindi ba? Parang yung mga sinabi lang ni Tonyo nung nagpapapansin siya kay Lea. At siyempre, pamilyar din ang sagot ni Lea kasi ganun din halos ang mga sagot ko sa mga lokong umeepal noon. Sinabihan niya si Tonyong huwag na siyang guluhin dahil hindi niya naman kailangan ng kaibigan.

Oo nga’t puwedeng isipin na bad trip lang si Lea dahil sa kondisyon niya (saka hello, naghiwalay pa sila ng fiance niya) kaya ayaw niyang makipag usap pero, hindi ba’t anuman ang dahilan ng babae o kahit sino pa man yan, kapag sinabi niyang tantanan na siya, dapat yung igalang ng kung sino mang kausap niya?!

Kung gusto talaga niyang makilala nang husto si Lea, sana humarap na lang siya nang maayos noong una pa lang.

Si Tonyo na rin naman ang nagsabi sa isang parte ng pelikuha na may mga bagay talagang kailangang paghirapan bago makuha. Kung ganoon naman pala ang prinsipyo niya biglang tao, bakit hindi niya pa nilubos ang paghihirap? Sana mas nagmatapang na rin siya at humarap na lang nang maayos kay Lea sa una pa lang. Tutal, puwede niya namang ipaliwanag na siya yung saging na dumamay sa malungkot na puso noong minsan.

Oo nga’t parang mas safe na option ang pag-stalk kay Lea kumpara sa pagharap sa kanya sa simula pa lang. Naiintindihan ko naman. Pero ang dating sa akin nito ay mas nanaig ang pagkaduwag niya sa respeto sa privacy ng babaeng gusto niya.

At kung pakiramdam man niya’y walang mali sa ginawa niya, aba’y hindi ba’t mas nakababahala ito? Kasi, ibig sabihin lang nito, wala siyang kaalam-alam sa kung saan ang hangganan ng tama at mali lalo pagdating sa pagturing di lamang sa babae kundi sa kapwa taong may karapatan sa tahimik at pribadong pamumuhay.

Parang sinamantala ni Tonyo ang sitwasyon ni Lea.

Oo na, marami rin naman talaga siyang nagawa para kay Lea sa panahong kailangang-kailangan nito ng katuwang sa paggalaw araw-araw. Pero may mga pagkakataon din namang pakiramdam ko ay yung mga biro niya’t pasimpleng da-moves ay medyo pagsasamantala na sa sitwasyon ng babaeng ginugusto.

Lea: ‘Wag ka masyadong dumikit sa akin.
Tonyo: Bakit naman? Ganito talaga ako makaupo e. Ang sungit naman nito.
Lea: Paano tayo magiging close kung ganyan ka?

Isang halimbawa nito ay ‘yung nakasakay sila sa bangka. Hindi pa sila masyadong close noon, kaya’t medyo asiwa pa si Lea. Pero ito naman si Tonyo, pasimpleng dumidikit. Hindi lang iyon! Hindi pa siya basta nagpaawat kahit sinabihan na siya ni Lea na lumayo.

Dios mio! Binigyan na nga ng pagkakataon, aba’y may katigasan pa ang ulo!

Idinaan sa tiyaga?

Wala namang masama kung magtiyaga ang isang tao para patunayan ang sarili sa kung sinong ginugusto niya. Pero, depende pa rin ito sa konteksto. At sa lagay ni Tonyo, para bang pinalalabas niyang ayos lang na creepy dude o stalker sa una, kahit pa sabihin ng babae na di ito interesado.

Kasi kung magtitiyaga, mapapa-oo rin naman ito.

Kadiri.

Naalala ko tuloy bigla yung nabasa ko sa librong Modern Romance ni Aziz Ansari. May isang bahagi roong patungkol sa dating scene sa Argentina. Sa parteng iyon, tinalakay na malala ang kaso ng catcalling at harassment sa mga kalye ng Argentina. Bakit? Kasi naniniwala ang maraming lalaki roon na ayos lang na basta-bastang lumapit at makipag-usap sa babae kahit ayaw pa niya.

Naniniwala kasi silang kung mangungulit sila at hindi titigil, makukuha rin nila ang “oo” ng babae.

Kumusta naman ang kapakanan ng babae sa kontekstong ito, aba? Ang lagay, patuloy lang na titingnan ang mga kababaihan na parang premyo na makakamit basta paghihirapan? Ano ba kami, bagay na pwedeng maging pag-aari?

At, paano naman ang “no means no” na kalakaran? Hindi ba, kapag sinabi ng isang taong di siya interesado, dapat ay igalang iyon. Kahit maganda ang iyong intensyon, kung hindi komportable ang isang tao sa mga gimik mo, wala kang karapatan para ipagpilitan pa ang iyong sarili.


Ang dami kong sinabi, no? Ganun talaga, lalo pa’t nakababahala na baka kung anong mensahe ang makuha ng mga tao sa pelikulang ito. At kung feeling mo, KJ ako masyado, ayos lang. Sanay na ako. Ilang beses na akong nasabihan niyan ng mga lalaking nagpupumilit makipag-textmate o makipaglandian kahit hindi naman talaga ako interesado. Hirap maging babae sa lipunang ito e. Kapag umalma ka sa mga bagay na pakiramdam mo ay mali, ikaw pa ang masama.

Published by Mina Deocareza

Writer from the Philippines

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: